Mga di-pangkaraniwan sa Utrecht, West Philippine Sea, at Cagayan Valley
Mga Pilipinong rebolusyonaryo sa Netherlands. Mga mangingisdang nakikipagtagisan sa iba’t ibang pwersa sa West Philippine Sea. At mga aktibistang tinarget ng karahasan ng estado sa Cagayan Valley. Sila ang pinaksa ng tatlong dokumentaryong umani ng pagkilala sa pagsasabuhay ng tapang at iba’t ibang mukha ng paglaban ng mga taong piniling tumindig at salagin ang hagupit ng brutal na kapangyarihan. Pinasilip sa mga dokumentaryo ang pambihirang karanasan ng mga nakikibaka na higit pa sa kanilang sariling interes ang motibo. Ang pagsandig sa tama ay hindi dapat usapin; subalit marahas ang kontradiksiyon sa ilalim ng lipunang hindi pantay at patuloy na paghahari ng mga mapang-api kaya ang mga kritikal na interbensiyon, kahit lohikal at nararapat, ay kontra sa dominanteng diskurso at ang nagsusulong nito ay tinuturing na kumakatawan sa buhay na di-pangkaraniwan.
‘My Friend the Terrorist.’ Kilala si Jose Maria Sison at Juliet de Lima bilang mga lider komunista na napilitang mangibang bayan noong 1987. Kahit kalahok sila sa usapang pangkapayapaan, binansagang terorista at sinampahan ng patong-patong na kaso. Ano ba ang buhay ng isang “teroristang” naninirahan sa Utrecht? Paano maging rebolusyonaryo kung malayo sa sintang bayan? Binasag ng dokumentaryo nina Malcolm Guy at Demetri Estdelaropolis ang malisyosong disimpormasyon laban sa mag-asawang Sison at mga kapwa rebolusyonaryo sa Europa at sa Pilipinas. Simpleng pamumuhay at puspusang pakikisangkot sa politika ng bansa gamit ang panulat at multimedia na teknolohiya. Tampok ang tagong pait ng mga nasa destyero. Sa kaso nina Sison, ang hangaring malasap muli ang bunga ng lupang ninuno na maaari lang nila magawa sa isang harding naglalaman ng mga tropikal na halaman. O ang restriksyon sa kanilang mga galaw kaya hanggang mga simbolikong pag-apak lang sa hangganan ng mga karatig na bansa ang kanilang inaabot.
Ang politika ni Sison ay binigyang sustensya ng buhay na pakikibaka ng mamamayan sa Pilipinas. May frontline na kuha ang dokumentaryo sa siklab ng paglaban mula kalunsuran hanggang kanayunan. At ang bida ay ang masang kalahok sa mga kolektibong aksyon para sa tunay na pagbabago sa lipunan. Sa mata ng mga pasista, ang mga kaanib na pwersa ng mga tulad ni Sison ay kaaway ng estado, mga kriminal, at terorista. Kaya ang mainam sa dokumentaryo ay dinala mismo ang manonood sa “loob” ng mundo ng mga tinatawag na terorista upang malinaw na matunghayan kung sino ang nagsasabi at nagtatanggol ng katotohanan.
‘Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea.’ Madalas laman ng balita ang panggigipit sa mga mangingisda sa West Philippine Sea subalit hindi napapalalim ang araw-araw na buhay ng mga naglalayag at naghahanapbuhay dito. Kaya ang mahalagang ambag na dokumentaryo ay gawing mas kongkreto ang sinasapit ng pinakamahirap na sektor sa bansa. Sa kabila ng pagiging tagahatid ng pagkain sa mesa, araw-araw ay problema ng maliliit na mangingisda ang makakain ng kanilang pamilya. Sa halip na gumaan ang kanilang sitwasyon sa pagdaan ng taon ay higit na dumami ang mga bantang kanilang kinakaharap. Andiyan ang epekto ng pagbabago ng klima sa kanilang huli, ang pagdagsa ng mga malalaking komersyal na barko sa katubigan ng mga munisipyo, at ang pagpapatrol at pamumulis ng mga dayuhang barko sa West Philippine Sea. Sa palitan ng mga naratibo tungkol sa isyu ng agresibong aksyon ng China, hindi umabot ang dokumentaryo ni Baby Ruth Villarama sa geopolitikal na suri at tindig ng pamahalaan. Gayunpaman, binigyan ng mabigat na timbang ang pananaw ng mga mangingisdang iniipit at pinipigilang maglayag sa ating teritoryo. Sa mga ganitong sitwasyon higit na lilitaw ang determinasyon ng mga mangingisda na igiit na manatili at malayang maglayag sa West Philippine Sea. Humuhugot sila ng tapang sa kapangyarihan ng matwid at pagkakaisa ng komunidad. Nakita ito sa tradisyunal na pangingisda na ang tawag ay simbada. Ramdam din ito sa matagalang paghahanap sa mga nawawalang kasamahan. Sa kabuuan, ito ay maaaring dagdag materyal sa mga talakayan tungkol sa politika ng pagkain, ang buhay na halimbawa ng biktima ng climate injustice, at pagsulong para sa pangangalaga ng kalikasan, kabuhayan, at tradisyunal na pamamaraan ng pangingisda.
‘Bloom Where You Are Planted.’ Kuwento ito ni Agnes Mesina, isang human rights defender na kumakaharap ng mga gawa-gawang kaso; Randy Malayao, pinaslang na aktibista at konsultant ng National Democratic Front; at Amanda Echanis, manunulat at lider-estudyante na kasalukuyang nakakulong sa Cagayan. Kuwento rin ito ng mga nagpatotoo kung ano ang kabuluhan ng kanilang aktibismo: Anak ni Agnes, kababata ni Randy, at ina ni Amanda. Walang pagpipigil ang dokumentaryo ni Noni Abao na palitawin ang mga instrumento ng pasismo at kung bakit dapat itong labanan. Walang tigil ang paglabag sa karapatan at pagsasamanatala kahit magpalit pa ng administrasyon. Kaya tuluy-tuloy din ang paglaban ng mamamayan, kabilang ang mga kabataan, manunulat, at mga indibidwal na ang puso ay para sa panig ng inaapi. Tinanghal sa dokumentaryo ang mga tinig na sumisigaw ng pagbabago at ang sakripisyong kaakibat ng pakikisangkot sa kilusang mapagpalaya. Mabigat sa pakiramdam na muling mapanood ang tortyur at karahasang dinanas ng mga aktibista at rebolusyonaryo, subalit sa huli ay may sulyap sa maliliit at malalaking tagumpay, at ang pag-asa na handog ng mga bagong sibol na magpapatuloy ng laban. Pinaalala ng dokumentaryo na sa kabila na ang rehiyon ng Cagayan Valley ay pugad ng mga dinastiya (tulad ng pamilya ng bagong House Speaker) at ground zero ng korupsiyon at imperyalistang interbensiyon (gumuhong bagong tulay at paglalagay ng dagdag base militar ng Estados Unidos), ito ay tahanan din ng mga di-pangkaraniwan na lumilikha ng kasaysayan.
The post Mga di-pangkaraniwan sa Utrecht, West Philippine Sea, at Cagayan Valley appeared first on Bulatlat.
Leave a Comment