Konteksto | PhD
Ilmenau, Alemanya (Hulyo 19, 2024)—Paano ba mag-aral sa antas doktorado kahit na maraming responsibilidad? Bakit kailangan pang bumiyahe sa bahaging ito ng mundo?
Para sa mga katulad kong may edad na, may isang pundamental na katotohanan: Wala nang masyadong motibasyon para magtapos sa gradwadong antas. Matagal na kasing nasa akin ang ilang inaasahang nakamit na ng akademikong may nakakabit na PhD sa kanilang pangalan—kawaksing propesor (na ranggong senior sa akademya) nang isang dekada na; patnugot ng internasyonal na pang-akademikong dyornal na may reputasyon naman; awtor ng mga artikulo’t libro sa wikang Ingles at Filipino na dumaan sa prosesong peer review. May iba pang puwedeng banggitin pero hindi ito okasyon ng pagyayabang. Ito ay paglilinaw ng politikal na konteksto.
Mahalagang maging “doktor” para gamutin ang mababaw at malalim kong sirkumstansya. Mababaw dahil maraming beses na akong tinatawag na doktor (kahit hindi dapat) sa loob at labas ng Pilipinas. Malalim dahil puwedeng gawing sandata ang PhD laban sa mga nasa kapangyarihang wagas kung magsinungaling sa publiko.
Ilang beses na ba nilang sinabing “fake news” ang mga pahayag ng Kontra Daya (na isa ako sa mga convenor) kahit na produkto ang mga ito ng malalim na pananaliksik? Ilang beses na bang inakusahan ang Bulatlat (na isa ako sa mga patnugot) at Pinoy Weekly (na isa ako sa mga kolumnista) na may kinalaman sa terorismo? Aba, hindi rin ligtas ang Kodao Productions (na isa akong board member) sa iba’t ibang porma ng intimidasyon. Mas lalong hindi ligtas ang mga estudyante ko sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) dahil sa patuloy na red-tagging ng gobyerno.
Paano ko puwedeng gawing sandata ang PhD? Kahit nakakaya ko nang ilagay sa depensiba ang mga nasa kapangyarihan sa pamamagitan ng ng empirikal na datos at malalim na pagsusuri, posibleng mas lalong magdadalawang-isip sila sa pagpapakalat ng kasinungalingan. At dahil sa kanilang kolonyal na perspektiba, posible ring masindak silang ang kaharap nila’y pumasa sa mataas na pamantayan ng mga dayuhang akademiko.
Sana lang. Siyempre, walang garantiyang mangyayari ang mga ito. Hindi ba’t may PhD ang inarestong propesor sa loob mismo ng UP Diliman? Hindi ba’t may PhD ang ilang propesor na nasaktan sa maraming kilos-protesta?
Walang ilusyon pero dagdag-proteksiyon pa rin ang PhD sa akusasyong hindi ko alam ang mga sinasabi ko. Hindi ito kaso ng “credentialism” dahil patuloy pa rin naman ang mataas na antas ng pakikipagtalastasan. Nagiging usapin lang ang antas ng pinag-aralan tuwing sinasabing “fake news” ang kritikal na pagsusuri.
Ito ang konteksto ng desisyon kong maging bahagi ng programang doktoral dito sa Alemanya. Totoong hindi naman kailangang mangibang-bayan pero iba ang sitwasyon ng edukasyon ng Peryodismo sa Pilipinas sa dalawang dahilan. Una, walang unibersidad na may espesipikong programang PhD sa Peryodismo (bagama’t posible namang peryodismo ang paksa ng disertasyon, halimbawa, sa programa ng Komunikasyon). Ikalawa, walang “PhD by research” sa Peryodismo na deretso na sa paggawa ng disertasyon at hindi na kailangang kumuha ng mga kurso.
Dito sa Alemanya, normal ang “PhD by research” na tinatawag na “individual doctorate.” Libre pa ang matrikula sa mga pampublikong unibersidad, pati na sa mga dayuhang katulad ko. Sa kaso ng unibersidad na pinasukan ko, posible ang “external doctoral student” kaya puwedeng gawin ang disertasyon sa Pilipinas bagama’t kailangang pumunta rito para sa rigorosum (oral na eksaminasyon) at disputasyon (depensa ng disertasyon).
Sa madaling salita, may praktikal na bentahe ang pag-aaral dito. Nais ko kasing ipagpatuloy ang paggampan ng maraming responsibilidad sa Pilipinas. Mahirap pero nagawa namang makapasa sa rigorosum at disputasyon kamakailan lang.
Ano ang sikreto? Gawing integral sa gawain sa mga organisasyong kinabibilangan ang pagsasagawa ng pananaliksik para hindi makompromiso ang oras at panahon. Piliin ang paksang magagamit ng mga organisasyong kinabibilangan (sa kaso ko, ito ay Peryodismo at Culture of Impunity sa Pilipinas). Siyempre pa, mag-aral nang mabuti!
Sadyang kailangang ipagpatuloy ang malalim na pananaliksik sa mga nangyayari sa lipunan. Basta’t matalas ang pagsusuri, ito ang magiging bukal ng mas malalimang pag-aaral kahit sa antas doktorado.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Leave a Comment