PAGHAHANAP

pictures of despaparacidos

By LORENA SIGUA
Bulatlat.com

Sa simula’y hindi makapaniwala.
Magugulat. Iikot ang paligid.
Maaaligaga.
Magtatanong sa mga saksi.
Mababalisa.
Mapapagod ang isip.
Kahit subukang magpahinga’y
Gising pa rin ang diwa.

“Nasaan kaya sya?”

Hanggang ang ilang oras
Ay magiging ilang araw…

Sa pag-aalala’y
Manunuot ang takot, ang kilabot, at kaba.
Babaligtad ang bituka.
Magkukrus ang pagtangis,
Panginginig ng laman,
Pagkabagabag at pangamba.

“Hindi pa sya nakikita.”

Hanggang ang ilang araw
Ay magiging ilang linggo…

Ng pagpapalaot sa kawalang-katiyakan.
Ng paglalayag sa salimuot
At pinsala ng mga gahamang halimaw
Na sinasalanta ang bayan at mamamayan.
Ng pagtutunggali
Ng pag-asa, pagkahapo at kamanhiran.
Ng pag-usad sa kabila ng katotohanan –
Na ang paghahanap sa desaparecido
Ay paghagilap sa kanya sa kawalan.

“Kailangan siyang matagpuan!”

Kahit ang ilang linggo
Ay magiging ilang buwan…

Ng pagkapit sa katinuan.
Ng paggalugad sa damdamin.
Ng pagsisid sa kaibuturan
Ng pighati. Ng di maipahayag na pagsinta.
Ng galit. Ng dalamhati.
Ng panaghoy na hindi na mailuha
Para sa buhay na di man lang maipagluksa!

“Paano bang maghilom sa sugat na kailanma’y hindi magsasara?!”

Kahit pa ang ilang buwan
Ay magiging ilang taon…
O ilang dekada…

Ng paghahanap ng katawan.
Ng pag-alingawngaw ng mga gunita.
Ng pag-aasam ng katahimikan ng loob.
Ng paghahangad ng hustisya.

Gayundin ng araw-araw na pagbangon.
Ng pagtuklas sa sarili.
Ng pagtanggap.
Ng pagharap sa mga hamon.
Ng pagbuo ng pasya…

Na manindigan,
Na ipaglaban ang karapatan,
Na makipagkaisa
Di lamang sa mga may sugat
Na matalik ang kirot,
Kundi matalik rin sa adhika…

Na singilin,
Na panagutin,
Na gibain ang buong sistema
Ng mga walang puso,
Walang pakundangan,
At walang kaluluwa.

Na magpatuloy at magpunyagi
Sa pagsulong at pagtatag
Ng lipunang makatarungan,
Makatao at malaya.

29 Oktubre 2024

Lorena Sigua – Dating bilanggong pulitikal. Manunulat. Manggagawang pangkultura. Human rights advocate.

Nakasama ko noon si James Jazmines sa Amado V. Hernandez Resource Center (AVHRC), kung saan kaming mga miyembro ng organisasyon ay parang isang pamilya. Kaya’t nang mabalitaan naming nawawala sya — kami ay nawalan din.

Nang yayain kaming lumahok sa simpleng pagtatanghal para kay James sa Araw ng Paggunita sa Desaparecidos – dali-dali kaming nagpaunlak. Sa bahagi ko, dumaloy ang inspirasyon at nakasulat agad ng tula. Kasama ng paglabas ng sariling saloobin ay sinikap ko ding ilangkap ang pag-unawa sa danas ng mga pamilya ng mga biktima ng sapilitang pagkawala, mula sa pakikinig sa kanilang mga testimonya. Nagbigay rin ng mga ideya ang mga kasama upang mapabuti ang akda para sa pagtatanghal at mas tumumpak sa pagpupunyagi ng mga pamilya ng desaparecidos sa kanilang pakikibaka, na ayon kay Cora Jazmines (kabiyak ni James):

“Puno man ng hamon at batid man ang panganib – handang suungin ang lahat – hindi matitinag – dahil sa mahigpit na pagtangan sa kawastuhan ng ipinaglalabang karapatan at adhikain.”


No comments

Powered by Blogger.