Konteksto | Peke

Maraming peke sa mundo.

Bakit nga ba naglipana ang mga peke? Bakit maraming tumatangkilik sa mga ito? 

Dumarami ang mga pekeng produkto hindi lang dahil maraming manloloko. May kinalaman din ang kasakiman ng malalaking negosyo. Kung sobra-sobrang tubo ang

ipinapataw sa kanilang produkto, siyempre’y may gagawa ng paraan para gayahin ito para maibenta sa mas murang halaga. Ito ang praktikal na solusyon para tapatan ang sistema ng pagsasamantala, para iwasang gumastos nang mas malaki lalo na sa mga produktong kinakailangan.

Opo, labag sa batas ang panggagaya nang walang pahintulot. Pero bakit hinahayaan ang sobra-sobrang tubo at minsa’y pinaparangalan pa ang mga mapagsamantala?

Bag, sapatos, cellphone—hindi naman talaga luho ang mga ito dahil ginagamit din naman sa trabaho o eskuwelahan. Kung mamahalin, takaw-nakaw bukod pa sa butas-bulsa. Kung peke, mas kampante kahit nakasakay sa bus, jeep o traysikel. Kung peke, mas nakakatipid at mas nakakapagbadyet ng limitadong pera. At kahit na mawala o manakaw ang pekeng gamit, hindi masyadong nakapanghihinayang dahil nabili lang naman ito sa mas murang halaga.

Sa bahay, nahahalata ang mga salat sa buhay sa mga pag-aaring muwebles at iba pang gamit. Mali ba ang pagbaybay (spelling) ng tatak ng bentilador? Masyado bang magaan ang kawaling tila may Teflon batay sa hitsura? Bakit hindi na pantay ang ibabaw ng kutson kahit na kabibili lang nito?

Sa opisina naman, hindi na nakakagulat kung hindi orihinal ang hardware at software ng mga computer. Aanhin pa ang branded na desktop kung makakaya namang makapagbuo ng generic? Posible ring makakuha ng “registration code” sa proprietary software nang hindi nagbabayad. Siyempre’y pamilyar din ang mahihilig magbasa sa mga terminong may kinalaman sa ilegal na paggamit ng kung ano-ano—cracking, jailbreaking, rooting. Siyempre’y iba pang usapin kung papalitan ng mga peke ang mga branded.

Sadyang may paraan kung nais labanan ang mga kapitalistang ganid sa tubo. Pero ang pinakamainam na paglaban sa proprietary software ay ang paggamit ng open source—libre na, may aktibo pang community support at puwedeng-puwede pang i-customize.

Hindi naman kailangang habambuhay na magtiis sa mga peke ang mga salat sa buhay. May mga lokal na produktong posibleng tangkilikin, lalo na kung galing sa maliliit na negosyo. Opo, hindi sila sikat. Pero tandaang hindi rin sila peke kundi orihinal. Tandaan ding sila’y orihinal pero mura.

Bakit maghahanap pa ng mamahaling pantalon kung mayroon namang sastre? Wala mang air con habang sinusukatan at kailangan pang maghintay ng ilang araw, hindi ba’t mas mura at posibleng hindi naman nagkakalayo sa kalidad kumpara sa mamahalin? Para saan pa ang libo-libong pisong imported na tsinelas kung may murang mabibiling gawa sa Pilipinas? Baka nga mas matibay pa ang lokal na tsinelas na ginawa para sa partikular na kondisyon sa kalunsuran at kanayunan.

Parang eleksiyon din iyan. Bakit kailangan pa ang Smartmatic o Miru kung mayroon namang lokal na komunidad ng mga eksperto sa information technology (IT)? Hindi naman komplikado ang kinakailangang teknolohiya para basahin ng isang makina ang balota. May ganito nang mga makina sa mga supermarket na nagsa-scan ng barcode. Hindi hamak na pamilyar na rin ang maraming eskuwelaha’t testing center sa teknolohiyang ginagamit para markahan ang mga multiple-choice na eksaminasyon.

Sa madaling salita, hindi na kailangan pang umasa sa dayuhan kung kaya naman ng mga kababayan.

May mga murang pekeng produkto para tapatan ang mga mamahaling orihinal na kadalasang imported. Pero may mga lokal na produktong hindi masyadong kilala pero karapat-dapat na tangkilikin, hindi lang dahil sariling atin kundi dahil paraan ito ng paglaya sa kaisipang kolonyal.

Totoong maraming peke. Hindi lang sila produkto kundi mayroon ding mga tao. Sama-samang iwaksi ang mga kapitalistang nagsasabing nasa puso ang makatulong pero nasa utak naman ang tubo. Sila ang mga pekeng dapat ilantad sa mundo.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Konteksto | Peke appeared first on Bulatlat.


No comments

Powered by Blogger.