Konteksto | Pagbato
Hindi karahasan ang mambato ng putik o bulok na gulay dahil galit sa mga magnanakaw at kurakot. Bakit hahanapan ng pagkilos na “mapayapa” o “disente” kung patuloy ang pambabastos at malaswang pagpapakita ng karangyaan sa gitna ng kahirapan?
Doon sa St. Gerrard Construction Building sa Barangay Bambang, Pasig City, may mga nagpukol ng bato’t putik sa gate noong nakaraang linggo. Armado ng spray paint, sinulat nila ang “Magnanakaw,” “Kurakot” at “Ikulong” habang paulit-ulit na sinisigaw ang mga salitang ito. Siyempre’y narumihan ang elegante’t magandang gate. Umalis ang mga nagprotesta at siyempre’y nilinis ng mga tauhan ng St. Gerrard ang dumi’t kalat.
Samantala, pintura’t bulok na gulay naman ang ibinato sa opisina ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Port Area, Maynila. “Dapat Panagutin ang mga Walang Hiya!” ang nakasulat sa isang plakard. Todo-bantay ang mga pulis para hindi makapasok ang mga nagpoprotesta.
Sa ngayon, mayroon na ring mga pulis sa tanggapan ng St. Gerrard. Humingi ng tulong ang abodago ng mga Discaya sa Philippine National Police (PNP) para bantayan ang pasilidad nito. Para sa mga may-ari ng kompanya, hindi na dapat maulit ang nangyari. Plano pa nga raw nilang kasuhan ang mga nagprotesta.
Hindi ito ang una’t huling insidente ng pagkilos para kondenahin ang pangungurakot sa kaban ng bayan. Tama lang na kondenahin ang mga Discaya na may-ari ng St. Gerrard. Sila kasi ang mga negosyanteng inaming yumaman mula nang maging kontratista sila ng DPWH. Sa isang banda, nabanggit ni Sarah Discaya sa pagdinig sa Senado na “spliced” daw ang inereng bidyo at hindi lang naman daw sila kumita mula sa DPWH lang. Totoo man o hindi, hindi pa rin maikakaila ang kataka-takang pagyaman, lalo na ang mga luxury SUV na ilang beses nang ipinakita sa mga interbyu sa midya.
Saan sila kumukuha ng lakas ng loob (o kapal ng mukha) para ipangalandakan ang napakataas na estado sa buhay? Sa sobrang yaman, tila naniniwalang hindi na sila saklaw ng batas. Tingin kaya nila’y sila mismo ang batas kaya puwede nilang gawin kahit na ano, kahit na ilegal?
‘Yong ilang opisyal ng mga DPWH naman, malinaw na hindi tumutugma ang lifestyle sa sahod na natatanggap. May umaming nagka-casino. May napabalitang nagmamay-ari ng mamahaling sasakyan. May lumalabas na nakatira sa malaking bahay.
Ibang usapin pa ang mga kasangkot na nasa Senado at Kamara de Representante. ‘Yong iba nga sa kanila, kontratista rin. Kung hindi man mismong may-ari ng kompanya, may kinalaman naman ang kanilang pamilya’t kamag-anak. Napaghahalata tuloy ang dahilan ng kanilang pagtakbo. Kunwari, ginagawa ang lahat para sa bayan pero pasimpleng ibinubulsa ang kaban ng bayan.
Salamat sa tinaguriang “nepo babies,” nagkaroon ng resibo ng luho. Matindi rin ang madalas na pagbiyahe sa ibang bansa at ang daang-libong pisong bayad para lang kumain sa mamahaling hotel. Ibang klase rin ang outfit of the day (OOTD) na nagkakahalaga ng libo-libo o milyon-milyon. Maliit na bag pa lang, milyones na pala ang halaga! Anong klaseng nilalang ang masisikmura ang ganitong buhay habang mayorya ng kababayan ay nagdarahop?
Ang ilang mambabatas na sangkot sa pagnanakaw at korapsyon, sila ang nagsusulong ng imbestigasyon sa mga tiwaling kontraktor. Sinasabi nilang wala silang kinalaman dahil hindi nila kakilala ang mga ito. Pero nang lumitaw ang ebidensiyang may naging kaugnayan sila sa mga kontraktor, ikinatwiran naman nilang wala silang transaksiyon sa mga ito. Gusto nilang kumbinsihin ang publiko na hindi problema, halimbawa, kung tumanggap ng donasyon sa panahon ng halalan mula sa mga tiwaling kontratista.
Sa ganitong konteksto dapat suriin ang mga nangyayaring protesta. Hindi karahasan ang mambato ng putik o bulok na gulay dahil galit sa mga magnanakaw at kurakot. Bakit hahanapan ng pagkilos na “mapayapa” o “disente” kung patuloy ang pambabastos at malaswang pagpapakita ng karangyaan sa gitna ng kahirapan?
Tama lang na magalit. Kung nangangahulugan ito ng mas mapangahas na pagkilos, dapat na intindihin ito. Ang gate na binato, hindi naman basta-basta masisira ito. Hindi tulad ng substandard na dike na ginawa ng kontraktor, matibay ang mga gate dahil pinoprotektahan nito ang mismong bahay ng may-ari. Kahit pansamantala, kailangang maranasan ng mga tiwaling mayaman at makapangyarihan kung paanong pisikal na marumihan.
Hindi dapat pigilan ang kolektibong galit ng sambayanan. Ipagpatuloy ang pagpukol hindi lang ng kritisismo kundi ng mismong putik at bulok na gulay. Dapat lang na marumihan ang mamahaling suot para terno sa kanilang pag-uugali.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
The post Konteksto | Pagbato appeared first on Bulatlat.
Leave a Comment