Konteksto | Sunog

Sadyang sinasadya. Sinusunog dahil may binabalak. Dahil nasa kapangyarihan, kayang pagtakpan ng retorika’t pera ang anumang ginagawang kontra sa interes ng mga nasa laylayan ng lipunan. Harap-harapan ang pagnanakaw, patalikod naman kung umasta para itago ang ebidensiya.

Dito sa Pilipinas, Fire Prevention Month tuwing Marso. Nagsimula noong 1967, layuning ipaalala sa mga mamamayan ang mga dapat gawin para maiwasan ang sunog. Kailangang maging mapagmatyag at alerto dahil posibleng magkasunog kahit sa ilang segundong pagpapabaya.

Ilang bahay na ba ang natupok dahil sa naiwang kandila sa altar, nakasaksak na sirang bentilador sa sala o nakabukas na kalan sa kusina? At dahil dikit-dikit ang maraming tirahan, may mga nadadamay na mga kalapit na bahay. Kaya hindi rin garantiya ang pagiging maingat dahil puwedeng masunog ang mga pinag-ipunan sa panahong hindi inaasahan.

May kasabihang hindi bale nang sandaang beses manakawan basta’t huwag lang minsang masunugan. Kung ma-snatch nga naman ang cellphone o madukot ang wallet, mapapalitan at mapapalitan din ang anumang nawala. Mahirap pero kakayanin.

Pero kung mismong bahay at mga gamit na ilang taong ipinundar ang natupok, mapapalitan pa kaya ang mga ito? Mahirap pero baka hindi kayanin, lalo na kung binili ang maraming gamit nang hulugan. Kung nirerentahan lang ang bahay, wala nang magagawa kundi lumipat. At kahit pag-aari ang lupang kinatitirikan, paano agarang makapagpapatayo kung kapos sa badyet? Totoo mang may fire insurance, dadaan sa butas ng karayom bago makuha ang kinakailangang pera.

May kasabihang aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo. Kung sabagay, mistulang hayop naman ang trato sa mga mamamayang kinakapos na nga’t pinagkakaitan pa. Sadyang nagiging instrumento ang sunog para magawa ang gusto ng mga mayaman at makapangyarihan.

Ilang beses na bang nagkasunog sa mga lugar na okupado ng informal settlers? Ayaw kasi nilang umalis kaya puwersado silang pinapalayas. Dalawa lang naman ang “kasalanan” ng mga maralita. Una, mahirap sila. Ikalawa, alam nila ang kanilang karapatan.

Kung susundin ang batas, walang demolisyon kung walang relokasyon. Ito ang dahilan kung bakit naging “mapanlikha” ang puwersadong pagpapaalis sa kanila. Hindi makatao ang panununog pero nasa interes ito ng mga nagnanais na gamitin ang lupang kinatitirikan ng kanilang barong-barong.

Ang mga pinagtagpi-tagping yero, ginagawang malamig na sementong pundasyon ng mga naglalakihang gusali, hotel at mall. At kung may planong gawing berde ang lugar at lagyan ng maraming puno, asahang hindi ito parke para sa masa kundi golf course para lang sa pinagpala.

Ganito kasi ang konsepto ng pag-unlad ng mga mayaman at makapangyarihan. Tanging sila lang ang may karapatang yumaman nang sobra-sobra sa pamamagitan ng pangangamkam ng lupa. Sa ngalan ng tubo, wala silang pakialam sa mga naghihirap.

Sa ganitong konteksto dapat suriin ang sunog na nangyari sa opisina ng Bureau of Research and Standards ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Quezon City noong Okt. 22.

Sa gitna ng imbestigasyon sa mga proyektong flood control, hindi masisisi ang maraming mamamayan kung magsuspetsa. Kahit na sabihing wala raw nasunog na mahahalagang dokumento hinggil sa mga proyektong flood control, nakapagtataka namang nagmula ang sunog sa ‘di umanong sumabog na kompyuter.

Tandaang umabot sa 331 ang flood control projects sa Quezon City mula noong 2022, at nagkakahalaga ang mga ito ng P17 bilyon. Tandaan ding 305 sa mga ito ay hindi umaayon sa master plan ng lungsod. Kumusta na rin kaya ang mga dokumento hinggil sa 35 ‘di umanong “ghost projects” sa Quezon City?

Huwag sanang kalimutang ang opisinang apektado ng sunog ay ang mismong Bureau of Research and Standards. Sa wikang Ingles, ito ang mandato ng opisina: “BRS undertakes researches to identify appropriate standards in the implementation of DPWH projects, in coordination with the private sector. In terms of technological development, BRS undertakes a well-focused research program to improve the quality of projects in DPWH.”

Sadyang sinasadya. Sinusunog dahil may binabalak. Dahil nasa kapangyarihan, kayang pagtakpan ng retorika’t pera ang anumang ginagawang kontra sa interes ng mga nasa laylayan ng lipunan. Harap-harapan ang pagnanakaw, patalikod naman kung umasta para itago ang ebidensiya.

Malayo pa ang Marso pero kailangan na ngayon ng panibagong porma ng fire prevention. Kailangang protektahan hindi lang ang ebidensiya ng anomalya. Itaguyod na rin ang karapatan ng mga maralitang parating biktima ng walang habas na panununog ng tirahan habang inaapak-apakan ang karapatan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Konteksto | Sunog appeared first on Bulatlat.


No comments

Powered by Blogger.