REALITY CHECK: Si Sara Duterte mismo ay sangkot sa korapsyon
By Dulce Amor Rodriguez
Bulatlat.com
Pahayag: Pinili kong huwag sumali sa panggagago sa taong bayan. Sa aking pagbitiw bilang kalihim ng DepEd, ininda ko ang kaliwa’t kanan na atake, kasama na ang impeachment, para lamang mapagtakpan nila ang katiwalian sa 2025 budget.
Bilang ng naabot: Halos 140,000 reactions at higit 27,000 shares na ang naabot ng pahayag ni Vice President Sara Duterte mula sa kaniyang official Facebook page.
Marka: Kasinungalingan.
Konteksto at katotohanan: Nilabas ni VP Sara Duterte ang pahayag sa gitna ng tatlong-araw na protesta na in-organisa ng Iglesia ni Cristo (INC) na maaaring naging sandigan ng kanyang argumento para idikit sa masa ang salaysay na siya’y bumitaw dahil sa presyur at hindi dahil sa pagkakasangkot sa katiwalian.
Ang kontrobersiya sa rekord ni VP Duterte pagdating sa transparency ang naging isa sa pangunahing batayan ng mga reklamong impeachment laban sa kanya.
Lumabas sa mga imbestigasyon ng Kamara ang mga resibo ng confidential funds na may mga kahina-hinalang pangalan tulad ng “Mary Grace Piattos”—na kinumpirma mismo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na hindi umiiral—para ma-liquidate ang kanilang secret funds. Natuklasan ng PSA na sa 677 umano’y “tatanggap” ng pondo, 405 ang hindi umiiral o walang birth certificate. Sa kabuuan, mahigit 1,300 na umano’y tumanggap ng pondo ang walang kahit anong rekord sa PSA.
Sumailalim din sa matinding pagbusisi ang OVP matapos nitong gastusin ang P125 milyong confidential funds sa loob lamang ng 11 araw noong 2022. Ang pondong ito ay ipinasa sa tanggapan ni VP Duterte mismo mula sa opisina ni Marcos.
Pinuna rin si VP Duterte noon dahil sa pagkakaroon ng confidential funds sa Department of Education, kahit isa itong sibilyang ahensya na walang mandatong operasyon sa seguridad o intelihensiya. Noong 2024, sinabi ng noo’y DepEd Spokesperson na si Michael Poa na ginamit umano ang pondo para pigilan ang sinasabing pagre-recruit ng mga estudyante sa “illegal activities” ng mga teroristang grupo. Gayunman, ang confidential at intelligence funds ay hindi dumadaan sa karaniwang audit kaya’t mahirap matukoy kung ang pondo ay inilaan sa dapat pagkagustusan. (RVO)
The post REALITY CHECK: Si Sara Duterte mismo ay sangkot sa korapsyon appeared first on Bulatlat.
Leave a Comment