Tagumpay!

Pagkatapos ang mahigit tatlong taon, tagumpay!

Nagdesisyon na ang korte noong Nobyembre 18 (pero nakuha ko lang ang kopya noong Nobyembre 25) tungkol sa kasong isinampa ng Bulatlat dahil sa sensurang ginawa ng gobyerno. Paborable ang 23 pahinang desisyon hindi lang sa Bulatlat kundi sa kalayaan sa pamamahayag. Mainam itong pag-aralan ng mga estudyante ng batas, komunikasyon, midya at peryodismo.

Bilang konteksto, matatandaang may memorandum ang National Telecommunications Commission (NTC) noong Hunyo 2022 na i-block ang website ng Bulatlat at ng 26 na iba pa dahil sa ‘di umanong terorismong gawi (kung pagbabatayan ang sulat ng National Security Council sa NTC). Kahit walang konsultasyon o abiso, nag-utos ang NTC sa internet service providers (ISPs) ng Pilipinas na i-block ang 27 websites kasama na ang Bulatlat.

Akala namin noon, simpleng server glitch lang ang nangyari. Napansin lang namin ang iregularidad nang dumami na ang reklamo ng mga mambabasa. Kahit kami mismo’y hindi na makapag-access. Nagtanong-tanong kami kung ano ang nangyari. Sa simula, humingi pa nga kami ng tulong sa NTC dahil hindi pa namin alam ang memorandum na inilabas nito.

Nang mabatid namin ang ginawa ng NTC, humingi kami ng kopya ng memorandum. Ipinagkait ito sa amin. Pero dahil bahagi ng pagsasanay sa peryodismo ang pagkuha ng mahahalagang datos, nakakuha rin kami ng kopya at pinaghandaan ang mga susunod na hakbang.

Humingi kami ng tulong sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL). Napakabilis ng kanilang pagkilos. Nakaya naming magsampa ng kaso noong Hulyo 2022 para ireklamo ang ginawa ng NTC at iba pa.

Mahaba ang naging proseso ng mga pagdinig. Napakaraming abogadong ipinadala ang gobyerno para ipagpilitang tama sila. Matinding pagsubok sa pasensya’t hinahon ang kasong ito.

Nagpainterbyu na rin sa midya hindi lang ang mga kinatawan ng Bulatlat kundi ang mga abogado ng NUPL para iparating ang mensahe ng panunupil sa kalayaan sa pamamahayag.

Umabot ang aming mga pahayag sa labas ng Pilipinas kaya nakakuha ng suporta mula sa mga prominenteng indibidwal at organisasyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Tinutukan ang kaso ng iba’t ibang grupo, pati na ang napakaraming embahada. Sa bawat talumpating ibinigay sa loob at labas ng bansa, pinatampok namin ang ginawang sensura ng gobyerno.

Medyo nakahinga kami nang maluwag nang magdesisyon ang korte noong Agosto 2022 na i-unblock pansamantala ang website ng Bulatlat habang nakabinbin pa ang kaso. Kinailangan nga lang naming mag-post ng bond na nagkakahalaga ng P100,000, isang napakalaking halaga para sa organisasyong pang-midya na hindi kapitalista ang oryentasyon.

Naaalala ko pa ang mabilisang fund-raising na isinagawa. Positibo itong tinugunan ng napakaraming kaibigan sa Pilipinas at iba pang bansa. Sa loob lang ng ilang araw, nakakuha kami ng sapat na pondo para maipatupad ang pansamantalang unblocking.

Mahaba ang naging proseso ng mga pagdinig. Napakaraming abogadong ipinadala ang gobyerno para ipagpilitang tama sila. Hindi hindi makalilimutan ang mga komentong tulad ng “How can you say you’re being censored?” at “The government is just doing its mandate!” Matinding pagsubok sa pasensya’t hinahon ang kasong ito. Kaya napakalaking tagumpay ang paborableng desisyong kumakampi sa Bulatlat at sinasabing walang batayan ang pag-block sa website namin, pati na ang 26 na iba pa.

Simple lang naman ang aral ng nakaraang tatlong taon. Patuloy na ipaglaban ang tama. Komprontahin ang mga nasa kapangyarihan sa bawat panunupil nila sa mga batayang karapatan. Kadalasa’y mahaba ang proseso ng pagkamit ng hustisya, pero darating at darating din iyon sa iba’t ibang porma.

Tunay na may dahilan para ipagbunyi ang tagumpay ngayon. Tandaan lang marami pang kailangang ipaglaban kinabukasan.

The post Tagumpay! appeared first on Bulatlat.


No comments

Powered by Blogger.