Konteksto | Patalsikin

Matapos ang apat na dekada, patuloy na inaalala ang makasaysayang pangyayari sa Pilipinas. Pero teka lang. Bakit tila nalilimutan na ng ilang kababayan ang aral ng sama-samang pagkilos sa EDSA noong Pebrero 1986?

Binanggit ng isang opisyal ng pamahalaang lokal ng Lungsod Quezon na hindi binigyan ng permit na mag-rally sa EDSA ang mga grupong nananawagan ng pagpapabagsak ng gobyerno.

May kasaysayan daw sila ng karahasan, batay sa mga kasong sedition at inciting to sedition laban sa ilang lider ng kilos-protesta sa Mendiola noong Setyembre 21, 2025. Bakit kaya hindi matanggap ng mga nasa kapangyarihan na ang tunay na karahasan ay dahil sa aksiyon ng mga pulis noong panahong iyon?

Sabi naman ng isang tinaguriang lider ng Trillion Peso March Part 3 sa pamamagitan ng isang Facebook post noong Pebrero 20, bawal ang mga panawagang may mensahe ng karahasan at nakadirekta sa militar, bukod pa sa “panawagang magluklok ng ‘di halal na grupo sa poder tulad ng revolutionary government o transition council.”

Hindi masyadong malinaw kung puwede pa ring manawagan ng impeachment ng pangulo at pangalawang pangulo dahil tinanggal niya ang pagiging “tanggap” ng mga ito sa pinakahuling bersyon ng kanyang post.

Bawal na palang manawagan ng pagpapatalsik sa okasyong inaalala ang pagpapatalsik ng diktador. Para sa ilang lider at opisyal ng pamahalaan, walang dahilan para patalsikin ang mga magnanakaw at korap sa gobyerno. Sa kanilang perspektiba, hayaan na lang alalahanin ang nakaraan nang hindi isinasakonteksto sa kasalukuyan.

Kung sabagay, patay na ang diktador at matanda na ang asawa ng diktador. Saan na nga matatagpuan ang dating unang ginang na bahagi ng tinatawag na “conjugal dictatorship”? Malamang na doon niya ipagdiriwang ang kanyang ika-97 kaarawan sa Hulyo 2. Opo, buhay pa siya!

Gaano karaming sapatos pa kaya ang koleksiyon niya? Mahilig pa rin kaya siya sa mga piging na abot-langit ang mga papuri sa kanya? Kinakanta pa rin kaya niya ang “Dahil Sa Iyo”? Kung walang kamatayan ang kantang ito, kailan naman kaya siya…ah, paumanhin sa mapaglarong isip!

Bukod sa diktador, patay na rin ang dating Defense Minister at ang dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff na tumiwalag 40 taon na ang nakaraan. Pati ang kardinal ng simbahang Katoliko na nanawagan sa mga mamamayang tumungo sa EDSA, patay na. Marami na ring lider sa tinaguriang EDSA I ang namayapa na. Pero huwag mag-alala. Marami pa ring kabataan noong 1986 na medyo may edad na pero nananatili pa rin.

Buhay na buhay hindi lang ang puso kundi ang diwa. Puti na ang buhok pero pula pa rin ang prinsipyo. Iwinawagayway pa rin ang bandila ng paglaban sa gitna ng wagas na kasinungalingan.

Para sa mga nagpupumilit na ipagbawal ang mga napapanahong panawagan, tila nakalimutan nilang nasa Palasyo ang anak ng diktador, kasama ng angkan niyang patuloy na pinagsasamantalahan ang bayan.

Oo nga’t nahalal na pangulo noong 2022 pero hindi maikakaila ang mga pagsisinungaling para pagtakpan ang mga aktwal na nangyari sa ilalim ng diktadura. Mas lalong wagas ang pagsisinungaling nila sa konteksto’t aral ng EDSA I.

“Move on,” sabi ng mga anak ng diktador na binubuo hindi lang ng pangulo kundi ng senador. Palibhasa’y parehong hindi nakapagtapos ng pag-aaral, hindi mahalaga sa kanila ang kasaysayan lalo na’t kontra ito sa interes nilang bumalik at manatili sa Palasyo.

Dapat silang magpasalamat sa ilang lider na dapat ay nasa oposisyon pero nagiging kakampi na nila. Sa okasyon ng pag-alala sa kahalagahan ng demokrasya, bawal na kasi ang mga panawagang kontra sa interes ng mga nasa kapangyarihan.

Diktador noon, anak ng diktador ngayon. Magnanakaw noon, magnanakaw pa rin ngayon. Patuloy pa rin ang paglaban. Hindi kailangan ng permiso para manawagang patalsikin ang mga dapat patalsikin.

Matapos ang apat na dekada, tuloy pa rin ang pagkilos sa EDSA.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Konteksto | Patalsikin appeared first on Bulatlat.


No comments

Powered by Blogger.