Konteksto | Langis

Mahigit P100 na ang bawat litro ng diesel. Sa mga susunod na araw, asahan ang presyong nasa tatlo na ring mga numero para sa premium na gasolina.

Langis. Kung isasalin sa wikang Ingles, oil. Kung ilalagay sa bulsa ng kapitalista, black gold.

Umaabot sa 106.6 milyon hanggang 107.4 milyong bariles ng langis bawat araw ang pandaigdigang suplay sa pagsisimula ng 2026. Kaya sanang matugunan ang global demand para sa langis pero may nangyaring imperyalistang agresyon sa Venezuela at Iran na parehong miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC). (Pero siyempre, “geopolitical disruption” ang ginagamit na termino ng iba’t ibang pandaigdigang ahensiya para ipaliwanag ang ginagawa ng Estados Unidos at Israel sa kasalukuyan.)

Sa ngayon, ramdam na ramdam ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa iba’t ibang bahagi ng mundo, lalo na sa mga bansang tulad ng Pilipinas na mahina ang mga lokal na industriya at walang malinaw na alternatibong pagkukunan ng enerhiya.

Mahigit P100 na ang bawat litro ng diesel. Sa mga susunod na araw, asahan ang presyong nasa tatlo na ring mga numero para sa premium na gasolina. Ito ang dahilan kung bakit humahaba na ang pila sa maraming gasolinahan.

At tuwing nagkakaubusan ng suplay, hindi masisisi ang mga drayber na magsuspetsa. Tinatago kaya ng mga kapitalista ang mga produktong petrolyo para kumita nang mas malaki oras na tumaas ang mga presyo?

Pangunahing apektado ang mga drayber ng pampublikong transportasyon tulad ng tricycle, jeepney at bus. Wala pa kasing pagtaas ng pamasahe kaya nababawasan nang malaki ang kanilang kita.

Piso na nga lang ang panawagan ng mga organisadong drayber, ipinagkait pa ng gobyerno dahil hindi raw napapanahon. Batay sa mga pahayag ni Marcos Jr., hindi na dapat magreklamo ang mga drayber dahil mayroon naman silang P5,000 ayuda.

Bilang bahagi ng patakarang globalisasyon, layunin ng deregulasyong tanggalin ang kontrol ng gobyerno sa industriya. Hinahayaan ang pribadong sektor na kontrolin ang iba’t ibang aspekto tulad ng pagtatakda ng presyo sa gasolinahan.

Pero hanggang kailan ba tatagal ang P5,000 sa gitna ng mataas na presyo ng mga produkto’t serbisyo? Matagal nang problema ang implasyon, bukod pa sa mababang sahod. May krisis na bago pa man ang kaguluhan sa Venezuela at Iran. Napalala lang ng kasalukuyang pandaigdigang sitwasyon ang pinagdaraanan ng mga nasa laylayan sa lipunan.

May mga nananawagang suspendihin o tuluyang tanggalin ang excise tax at value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo para bumaba ang mga presyo. Tama namang tanggalin ang indirect taxes sa mga produktong pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan. Pero hindi ito garantiya ng mas mababang presyo. Kung nais na gawing abot-kaya, kailangang ibasura ang mismong deregulasyon sa downstream oil industry.

Bilang bahagi ng patakarang globalisasyon, layunin ng deregulasyong tanggalin ang kontrol ng gobyerno sa industriya. Hinahayaan ang pribadong sektor na kontrolin ang iba’t ibang aspekto tulad ng pagtatakda ng presyo sa gasolinahan.

Sa neoliberal o globalistang perspektiba, magkakaroon ng “makatarungang” presyo batay sa malayang kompetisyon. Kung maraming gasolinahan sa isang lugar, halimbawa, magkakaroon daw ng pababan ng presyo’t pagandahan ng serbisyo para makakuha ng mas maraming kostumer.

Kung susuriin ang downstream oil industry sa Pilipinas, dumaan na ito sa limang yugto: (1) deregulasyon mula 1950s hanggang 1970s; (2) regulasyon mula 1970s hanggang 1996; (3) deregulasyon sa ilalim ng Republic Act 8180 mula Abril 1996 hanggang Nobyembre 1997; (4) maikling regulasyon mula Disyembre 1997 hanggang Pebrero 1998 habang wala pang batas hinggil sa ikalawang deregulasyon; at (5) deregulasyon sa ilalim ng Republic Act 8479 simula Pebrero 1998.

Matapos ang halos 30 taong deregulasyon mula pa noong huling bahagi ng dekada ‘90, hindi naman talaga naipatupad ang pangakong mababang presyo’t magandang serbisyo. Sa katunayan, mas maraming pagtaas ng presyo kumpara sa pagbaba. Paulit-ulit ang mga argumentong walang magagawa ang gobyerno sa nangyayari sa labas ng bansa. Hindi raw uubra ang pagkontrol ng presyo dahil taliwas ito sa sistemang deregulasyon.

Simpleng tanong sa pagtatapos ng sanaysay: Sino ang pangunahing nakinabang sa deregulasyon? Bakit kadalasang mabilis ang pagtataas ng presyo pero mabagal ang pagpapatupad ng mga rollback? Paano maiibsan ang paghihirap ng mahihirap sa kasalukuyang panahon?

Langis. Oil. Black gold. Ito ang ginintuang oportunidad para manawagang ibasura na ang deregulasyon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Konteksto | Langis appeared first on Bulatlat.


No comments

Powered by Blogger.