Konteksto | Ekonomiks

Sa mga ekonomistang nais magpakadalubhasa, may simpleng pakiusap lang: Huwag sanang kalimutan ang masa.

Ang kuwentong walang kuwenta noon, may kuwenta na ngayon. Mababaw sa simula pero malalim din pala.

Peryodismo po ang piniling kurso sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Tangan ang aral ng pagpapatalsik sa diktador (palibhasa’y 86 ang student number!), malinaw ang layuning maging makabuluhan hindi lang ang pag-aaral kundi ang mismong buhay. Pero sa ikalawang taon ng pagsusunog ng kilay, pinag-isipang lumipat sa kursong Ekonomiks.

Ano ang konteksto ng sitwasyon noon? Mahirap palang mag-ungkat, mag-ulat at magmulat. Dahil walang karanasan sa peryodismong pangkampus noong nag-aaral pa sa Katolikong elementarya at hayskul, nangangapa pagtuntong sa kampus na non-sectarian.

Ang inakalang “breeze course,” mapanghamon pala lalo na’t kung seseryosohin ang pag-uulat ng mga isyung dapat malaman ng publiko. Hindi porke’t matataas ang grado noon sa Agham at Matematika ay makakaya nang maintindihan ang teoretikal, empirikal at normatibong dimensyon ng Peryodismo.

Bakit ba naman kasi kailangan ng mahabang paliwanag sa mga bagay-bagay, lalo na sa mga may kinalaman sa etika? Kadalasan, mahabang debate pa ang nangyayari kung tama ba o mali ang ginawa ng peryodista sa pagbuo ng isang artikulo.

Minsan, walang tama o maling interpretasyon ng pamantayan ng Peryodismo at depende na ito sa disposisyon ng indibidwal at organisasyon. Aba, pati ang pagsunod sa code of ethics, boluntaryo rin dahil bahagi ito ng nagsasariling regulasyon (self-regulation) ng midya.

Sadyang ibang-iba ang pag-aaral ng Peryodismo sa kolehiyo kumpara sa pag-aaral ng Agham at Matematika noong hayskul. Sa Agham, simple lang ang Newton’s Second Law na F = ma. Sa Matematika, 1+1=2. Napakaikli ng isasagot, eksaktong nakokompyut. Hindi na kailangang ipaliwanag pa. At kung hinihingan man ng guro ng patunay o proof, makukuha ang sagot sa mga sanggunian. Kailangan lang kabisaduhin ang ilang linya at ilapat ang aplikasyon sa partikular na problem set.

Mainam na balik-balikan ang mga kuwento ng nakaraan para malamang may kuwenta rin pala kahit paano. At sa panahong ang pag-unlad ng bayan ay paksa ng debate, siyempre’y sentrong usapin ang ekonomiya.

Sa ganitong konteksto, napag-isipang lumipat na lang sa kursong may Agham at Matematika pero tinatalakay pa rin ang lipunan. Maraming puwedeng pagpilian pero napukaw ang atensiyon sa kagandahan ng Ekonomiks.

May siyentipikong paraan para sa pangangasiwa ng limitadong rekurso. Maraming numerong ikokompyut para malaman ang reyalidad. Eksakto ang sagot sa nominal value at real value batay sa isang base year. Kung nais malaman ang purchasing power, simpleng equation lang ang kailangan basta’t alam ang consumer price index (CPI): 1/CPI x 100.

Ang hinahanap na eksaktong sagot, nasa Ekonomiks. At nagsimula na ang proseso ng pag-shift. Nagtanong-tanong kung ano ang kultura sa lilipatang yunit sa Diliman. Inalam din kung gaano kagaling ang mga estudyante’t guro doon. Inihanda na ang mga kahingian para lumipat.

Natuloy ba ang pagpapaalam sa Peryodismo? Hindi. Bagama’t maganda ang kursong Ekonomiks, hindi pala ito tumutugma sa ninanais na pagsusuri sa lipunan (batay sa pamamaraan ng pagtuturo nito noon). Ang inaakalang pagyakap sa progresibong tunguhin, mas kumikiling na pala sa patakarang globalista.

Kung noong unang panaho’y popular ang progresibong panulat ng mga makabayang ekonomista ng bansa, kapansin-pansin na ang pagdagsa ng mga akda ng mga kanluraning ekonomistang walang bukambibig kundi ang kagandahan ng kapitalismo. Sa katunayan, marami palang propesor ang nagiging consultant ng malalaking ahensiyang nagkakamal ng tubo habang naghihirap ang mayorya ng mamamayan.

Kaya ang nangyari, hindi natuloy ang pag-shift at nanatili pa rin sa kurso. Pinilit na aralin ang tamang pagsusulat at malalim na pagsusuri. Sa paglipas ng mga taon, nagtiyaga’t natuto rin naman. Grumadweyt sa wakas at nakapagtrabaho sa mga publikasyon para gawin ang peryodismong may kabuluhan at may pakialam.

Sa pamamagitan ng sariling aral at pagpasok sa mga NGO na nagtataguyod ng progresibong pag-unlad, natuto rin ng Ekonomiks at nagamit pa rin ang anumang nalalaman sa Agham at Matematika.

Mainam na balik-balikan ang mga kuwento ng nakaraan para malamang may kuwenta rin pala kahit paano. At sa panahong ang pag-unlad ng bayan ay paksa ng debate, siyempre’y sentrong usapin ang ekonomiya.

Sa mga ekonomistang nais magpakadalubhasa, may simpleng pakiusap lang: Huwag sanang kalimutan ang masa.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

The post Konteksto | Ekonomiks appeared first on Bulatlat.


No comments

Powered by Blogger.