Maleta
Kung susundan ang ilan pang pahayag ng mataas na opisyal ng NBI, nais nilang paghiwalayin ang mga tunay na peryodista sa mga pekeng peryodista. Iba ang responsable sa iresponsable. Iba ang etikal sa hindi etikal.

Perang nasa maleta, pinosasang mga tagamidya.
Dahil sa akusasyong pangingikil kapalit ng hindi pag-eere ng isang media network ng bidyong makakasira daw sa reputasyon ng isang miyembro ng House of Representatives, may inihahandang draft bill ang National Bureau of Investigation (NBI) tungkol sa regulasyon ng social media sa aspekto ng peryodismo.
“Immediate na po iyon. We already instructed our people to prepare a draft bill on this one and they’ve been talking to some of the members of the House of Representatives para po maitulak ang batas na ito. This is for [the] protection of the real mass media,” sabi ng isang mataas na opisyal ng NBI.
Kung susundan ang ilan pang pahayag ng mataas na opisyal ng NBI, nais nilang paghiwalayin ang mga tunay na peryodista sa mga pekeng peryodista. Iba ang responsable sa iresponsable. Iba ang etikal sa hindi etikal. Kung sabagay, mainam na tukuyin kung ano ang tama’t mali sa peryodismo. Totoo namang may mga gumagamit lang ng press card para sa anumang maitim na balak.
Malinaw ang pinanggagalingan ng plano ng NBI. Kung paniniwalaan ang impormasyon mula sa kanila, tatlong maletang naglalaman ng P75 milyon ang paunang bayad at inaasahan daw ang mga susunod pang bayad para mabuo ang napagkasunduang P300 milyon.
Sabi naman ng media network, walang pangingikil na nangyari at biktima raw sila ng isang “setup” na pinangunahan ng miyembro ng HOR. Atake raw sa kalayaan sa pamamahayag ang nangyari. Pinipigilan daw kasi ang pag-eere ng nabanggit na bidyo dahil makakasira ito sa reputasyon ng nagnakaw sa kaban ng bayan. Kontra sa sinabi ng NBI, wala raw silang ginawang krimen.
Sa gitna ng seryosong akusasyon laban sa isang media network, nasa spotlight na naman ang buong midya sa Pilipinas. May pananaw na lahat ay bayaran at sangkot sa iba’t ibang uri ng hindi etikal na gawain tulad ng pangingikil. Dahil dito, sinamantala ng NBI ang pagkakataon para ipanukala ang regulasyon sa social media. Pinapalabas nilang ito ang solusyon sa kasalukuyang problema.
Para sa NBI, pekeng peryodismo ang itinataguyod ng media network na kinabibilangan ng mga inaresto. Dapat lang daw silang parusahan. Seryosong krimen ang pangingikil. At sa gitna ng seryosong krimen, kailangan ng detalyadong sagot mula sa mga sangkot.
Hindi sapat ang “blanket denial” na laman ng kanilang pinakahuling pahayag dahil kailangan ng malinaw na ebidensiyang setup lang diumano ang lahat. Detalyado dapat ang sagot kung ano ang nangyari nang inaresto sila noong gabi ng Mayo 5. Bakit sila pumayag sa isang transaksiyon sa ganoong oras at palipat-lipat pa ng mga lugar mula Makati hanggang Pasig? Kung lehitimo ang transaksiyon, hindi ba’t mas mainam ang bank-to-bank transfer para hindi na magdala ng milyon-milyong pera?
Kung ikukumpara sa mga tunay na biktima ng paglabag sa karapatang pantao, mabilis ang sagot ng mga organisasyong kinabibilangan nila tungkol sa sirkumstansiya ng pagkakaaresto. May mga detalye ng mga itinanim na ebidensiya, bukod pa sa pamamaraan ng pag-arestong kadalasang nangyayari sa gabi. May malawak na panawagang palayain batay sa malinaw na ebidensiya. Oo, akusado rin sila ng mga seryosong krimen pero may malinaw na dokumentasyon ng pang-aabuso ng estado.
Sa gitna ng seryosong akusasyon laban sa isang media network, nasa spotlight na naman ang buong midya sa Pilipinas. May pananaw na lahat ay bayaran at sangkot sa iba’t ibang uri ng hindi etikal na gawain tulad ng pangingikil. Dahil dito, sinamantala ng NBI ang pagkakataon para ipanukala ang regulasyon sa social media. Pinapalabas nilang ito ang solusyon sa kasalukuyang problema.
Mali ang ganitong pananaw. Hindi gobyerno ang dapat magtakda kung sino ang tunay na peryodista. Kung kailangang parusahan ang isang peryodista batay sa malinaw na ebidensiyang may nilabag siyang batas (tulad ng pangingikil), sampahan siya ng kaukulang kaso. Siguraduhin lang na wala itong kinalaman sa pagpapatahimik sa kritikal na pag-uulat na bahagi ng trabaho ng peryodista.
Perang nasa maleta, pinosasang tagamidya, panukalang magreresulta sa sensura. Tigilan na sana ng gobyerno ang planong pagsikil sa lahat ng peryodista sa gitna ng diumanong pangingikil ng isa.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
The post Maleta appeared first on Bulatlat.
Leave a Comment