Balik-Tanaw | Manatili sa katuruan ni Hesus

By Fr. Edprim Gaza, CM

1 Kings 19:9a, 11-13a
Psalm 85:9, 10, 11-12, 13-14
Romans 9:1-5
Matthew 14:22-33

Noong State of the Nation Address (SONA), nagkaroon ako ng pagkakataong makinig kasama ang isang pamilyang naging kaibigan ko sa Payatas. Nasa gitna ng kanilang munting tahanan ang telebisyon—isang espasyong nagsisilbing sala, silid-tulugan, at lugar ng kanilang maliit na kabuhayan. Habang nagsasalita ang Pangulo, hindi lamang ang kanyang mga salita ang aking pinakikinggan; higit kong pinagmamasdan ang katahimikan at mga reaksyon ng pamilyang iyon. Gusto kong maramdaman kung paano tumatagos sa kanilang buhay ang mga ipinapangakong pagbabago.

Habang tumatagal ang SONA, tila maraming multo ang lumilitaw. Mga multo ng katiwalian, korapsyon, kahirapan, kawalang-katarungan, at pagkakahati-hati. Marahil nakakatakot ang mga multong ito sapagkat marami sa mga ipinagmamalaking hakbang ay hindi pa rin tunay na nararamdaman ng mga mahihirap. Ang ating bansa ay tila nasa gitna ng mga multong ito. Ngunit bilang mga Kristiyano, ang paanyaya ay hindi lamang ang manatiling nananalig kay Kristo kundi ang maging mukha ni Kristo sa gitna ng mga ito—ang patuloy na makita ang Diyos sa gitna ng nagbabanggaang kapangyarihan at manatiling umaasa kahit sa gitna ng matinding pagkadismaya.

Pagkatapos ng SONA, napatahimik kaming lahat. Walang nagsalita. Ang katahimikang iyon ang nagpaalala sa akin ng unang pagbasa. Hindi natagpuan ni Propeta Elias ang Diyos sa malakas na hangin, sa lindol, o sa apoy. Natagpuan niya ang Diyos sa banayad na tinig ng katahimikan.

Marahil ganoon din ngayon. Hindi natin laging matatagpuan ang Diyos sa malalakas na talumpati, sa ingay ng politika, o sa sigawan ng mga makapangyarihan. Naroroon Siya sa katahimikan ng mga dukhang naghahanap ng sagot sa kanilang mga tanong. Naroroon Siya sa buntong-hininga ng mga magulang na nag-iisip kung saan kukuha ng pagkain kinabukasan. Naroroon Siya sa mga pusong marunong huminto, magnilay, at makaramdam ng sakit ng lipunan habang patuloy na naghahangad ng tunay na pagbabago.

Ito rin ang dahilan kung bakit dinudumog si Hesus sa Ebanghelyo. Nauunawaan Niya ang hikbi ng mga dukha at ang kanilang pananabik sa isang makatarungang bukas. Hindi lamang Niya sila binigyan ng pahinga at kapayapaan; ginising din Niya ang kanilang kamalayan. Tinuruan Niya silang mangarap at makibahagi sa pagtatayo ng isang lipunang mas makatarungan at mas makatao.

Matapos ang katahimikan ng SONA, isa-isang lumabas ang aming mga saloobin. Marami ang nadismaya. Mahirap ngang hindi madismaya, lalo na’t ang ating bansa ay nahaharap sa iba’t ibang krisis—ang mga epekto ng digmaan sa Gitnang Silangan, mga usaping pampulitika tulad ng impeachment, patuloy na korapsyon, at lumalalim na pagkakahati-hati ng lipunan. Sa gitna ng lahat ng ito, ang higit na naaapektuhan ay ang mga mahihirap.

Sa ikalawang pagbasa, ipinakita ni San Pablo ang kanyang matinding dalamhati para sa kanyang mga kababayan. Nadismaya siya, ngunit hindi siya nagpadaig sa pagkadismaya. Nanatili siyang nakaugat kay Kristo. Iyan ang paalala sa atin: ang pagkadismaya ay hindi dapat maging dahilan upang tayo’y manahimik o mawalan ng pag-asa. Sa halip, dapat itong maging hamon upang lalo nating samahan ang mga pamayanan, gisingin ang kanilang kamalayan, at tulungan silang huwag malinlang ng mga huwad na pangako. Sa panahong laganap ang kahirapan at kawalang-katarungan, napakadaling piliin ang pananahimik at kawalang-kibo.

Kung ayaw nating habang-buhay na mabuhay sa takot sa mga multo ng ating lipunan, kailangan nating manatili kay Hesus. Siya ang nagtagumpay laban sa kasamaan, sa kawalang-katarungan, at maging sa kamatayan. Siya ang ating lakas upang huwag magpalamon sa takot at pagkadismaya, kundi maging mga saksi ng pag-asa, katarungan, at kapayapaan sa gitna ng mundong puno pa rin ng mga multo.

Balik-Tanaw is a group blog of Promotion of Church People’s Response. The Lectionary Gospel reflection is an invitation for meditation, contemplation, and action. As we nurture our faith by committing ourselves to journey with the people, we also wish to nourish the perspective coming from the point of view of hope and struggle of the people. It is our constant longing that even as crisis intensifies, the faithful will continue to strengthen their commitment to love God and our neighbor by being one with the people in their dreams and aspirations. The Title of the Lectionary Reflection would be Balik –Tanaw , isang PAGNINILAY . It is about looking back (balik) or revisiting the narratives and stories from the Biblical text and seeing, reading, and reflecting on these with the current context (tanaw).

The post Balik-Tanaw | Manatili sa katuruan ni Hesus appeared first on Bulatlat.


No comments

Powered by Blogger.