Konteksto | Liham
Kumusta ka na? Bakit nga ba kailangan pa kitang sulatan samantalang araw-araw naman tayong nagkikita? May dapat ka bang malamang hindi mo pa alam? May personal na mensahe bang kailangang isapubliko sa pagkakataong ito?
Sinulat ito sa Araw ng mga Puso. Matalino ka. Alam mo na ang dapat malaman ng sangkatauhan sa iba’t ibang bahagi ng mundo (basta’t nakakaintindi ng wikang Filipino). Tungkol ito sa pagmamahalang wagas. Tungkol ito sa pag-ibig na walang wakas.
Oo, may forever kahit na kailangang maging praktikal. Una, hindi maiiwasan ang kamatayan. Ikalawa, walang kaligtasan sa paghina ng katawan sa ating pagtanda.
Tunay na lampas-lampasan na ang ating edad kung ihahambing sa mga araw sa kalendaryo. Ilang taon na lang, makukuha na natin ang “mahiwagang” senior citizen card na magbibigay ng kung ano-anong pribilehiyo sa iba’t ibang establisimyento, pati na sa mga ahensiya ng gobyerno. Una sa pila, libre sa sinehan, may kaunting discount sa mga piling produkto’t serbisyo—magkasama nating inaabangan ang mga ito.
Masaya ang pagtanda dahil magkasama. Maraming alaalang hatid ang pagbuo ng pamilya. Makabuluhan ang pagkulubot ng balat dahil sa kagandahan ng masayang pagsasama sa kabila ng krisis sa lipunan.
Sa ganitong konteksto dapat pagnilayan ang paghina ng pisikal na katawan na kaya namang labanan ng tamang ehersisyo’t pagkain. Kayang kaya ring tapatan ang pagtanda ng pagyakap sa tamang prinsipyo sa buhay.
Maligaya ang bawat kaarawan kung makabuluhan ang pagkilos araw-araw, linggo-linggo, buwan-buwan, taon-taon. May saysay ang papataas na edad kung umaangat din ang kamulatan ng iba pa.
Kahit na naging komersyalisado na ang Araw ng mga Puso, puwede pa ring gamitin ang okasyon para paalalahanan ang bawat isa sa esensya ng tunay na pag-ibig. Kabiyak ang turing sa minamahal dahil mas nagiging buo ang pagsasama kung patuloy ang pakikibaka.
Walang siraan, walang biyakan sa pagbubuklod ng dalawang magkasamang may parehong perspektiba sa nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan. Kung sakaling magkaroon ng anak, mas lalong pag-iibayuhin ang pagkilos hindi lang para sa kanya kundi para sa mga anak ng iba pa.
Para sa ating dalawa, susing salik sa mas malakas na pagsasama ang pagkakaroon ng isang anak. Sinisikap nating palakihin siya nang matino, gamit ang dangal at husay hindi lang mula sa libro kundi mula sa nakakasalamuha niya.
Kahit sa murang edad, alam na niya ang pangangailangang tumulong sa nangangailangan. Magandang simula ito sa inaasahang mas mataas pang antas ng pagtulong sa mga pinagkakaitan at pinahihirapan.
Wagas ang pag-ibig kung makabuluhan ang pagmamahalan. Tayong dalawa noon, tatlo na tayo ngayon. Malinaw kung sino ang sentro ng ating buhay, kung kanino umiinog ang mundo ng mag-asawa. Ginagawa natin ang lahat para mapasaya siya. Ginagampanan natin ang tungkulin ng magulang sa abot ng makakaya.
Salamat sa iyo, lumalaking mabait at masunurin ang ating anak. Salamat sa magkasamang pag-aaruga, mayroon na siyang kritikal na pag-iisip at unti-unti na siyang nagtatanong nang may malalim na pag-intindi sa lipunan. Bakit may mga namamalimos sa lansangan? Bakit may mga batang nagbebenta sa bangketa? Bakit kaya marumi ang mga damit nila?
Nang bumisita ang mga magsasaka sa UP Diliman para ibenta ang kanilang mga produkto, pumunta tayo hindi lang para bumili’t kumain kundi para malaman ng anak natin ang katotohanan sa kanayunan. Siyempre’y nagustuhan niya ang inuming binili natin para sa kanya.
Nang papauwi na tayo, hindi hindi malilimutan ang pagkakataong humingi ang anak natin ng P100. Akala nati’y bibili uli siya ng paboritong inumin. Pero hindi, inilagay niya ang pera sa donation box, at sinabi pa niyang mas kailangan ng mga magsasaka ang pera kumpara sa personal na pangangailangan. Mukhang napapalaki naman natin siya nang tama. Hangad nating ipagpatuloy pa niya ang ganitong pagsasaalang-alang sa kapwa, lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Kumusta ka na? Tandaan sanang tayong dalawa ang forever. Hawak-kamay, kapit-bisig na minamasdan ang pagsikat ng Arao sa pamamagitan ng supling na hindi hamak na mas mahusay pa sa ating dalawa. Kasama ang kasalukuya’t susunod na henerasyon ng kabataan, papandayin natin ang kinabukasang Iba.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com
Leave a Comment